Pansamantalang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang stall sa Odiongan Food Court matapos lumabag sa polisiya ng food handling and sanitation code ng bayan.
Ito ay matapos mag-viral sa social media ang post ng isang customer na nabigyan ng isdang inuuod na ang loob.
Ayon sa Odiongan Public Information Office, nagkaroon ng pagpupulong sa mga food court stall owners ang OCC Steering Committee kasama ang Rural Health Unit – Sanitation upang pag-usapan ang isyu tungkol dito.
Sa pagpupulong ay pinaalalahanan ng Rural Health Unit ang mga negosyante na sundin ang mga natutunan sa kanilang ginagawang trainings sa tamang food handling, at pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang stalls sa lahat ng oras.
“Binalaan rin ng mga sanitary inspectors na kung makitaan sila ng violations sa random inspection, o makatangap ng reklamo mula sa publiko ay agad nilang iimbestigahan at tutukuyin kung mapapatawan ng mga violations,” ayon sa pahayag.
Bukas rin umano ang kanilang opisina para sa mga sumbong ng mga mamimili lalo na kung may parehong insidente na may mangyari sa kanila.