Nagdulot ng pagkabahala sa iba’t ibang grupo at indibidwal sa Sibuyan ang kamakailang balita tungkol sa paglagda ng memorandum of cooperation sa pagitan ng ‘Sibuyan-CSO MASIKAP’ groups at Altai Philippines Mining Corporation (APMC) kamakailan.
Ayon sa press conference, ang memorandum ay nangangako sa mga grupo na tulungan ang mining company na magpakalat ng impormasyon tungkol sa pagmimina at magpatupad ng mga proyekto tulad ng mga ospital at livelihood options sa rehiyon.
Isa sa mga nagpaabot ng kanilang komento ay ang SAVE SIBUYAN, TIKOP SIBUYAN Steering Committee na nagsabi na ang mga miyembro ng mga organisasyong nabanggit ay may pagdududa tungkol sa pagiging lehitimo ng kanilang representasyon.
“Hindi totoo ang sinasabing pinapaboran ng mga Sibuyanon ang pagmimina. Sa katunayan, ang karamihan ng komunidad ay tutol sa pagmimina dahil sa negatibong epekto nito sa kapaligiran at sa kanilang pamumuhay. Ang ‘Sibuyan-CSO MASIKAP’ na lumagda sa kasunduang ito sa APMC ay hindi kumakatawan sa boses ng mga tao, bagkus sa kanilang sariling interes,” ayon sa SAVE SIBUYAN, TIKOP SIBUYAN Steering Committee.
“Mahalagang panagutin ang mga grupong ito para sa kanilang mga aksyon. Ang paglagda sa memorandum of cooperation na ito ay isang pagtataksil sa tiwala ng komunidad at sinisira ang sustainable development at environmental conservation efforts sa Sibuyan,” dagdag pa nito.
Isa rin sa nagpaabot ng kanilang pagtutol sa memorandum of cooperation ay si Arjun Roca, chairperson ng Nature Ambassadors of Sibuyan Island o NASI.
Aniya, bilang karapat-dapat na kinatawan ng organisasyon, itinatanggi at tinutuligsa nila ang kasunduan.
“The organization did not authorize any person to act on our behalf specially when signing deals with the said mining company. We did not engage and will not engage in any partnership or collaboration with ALTAI’s representative,” ayon kay Roca.
Ganito rin ang naging pahayag ni Joan Ruga, Board Secretary ng Madiwang Agrarian Reform Cooperative; Elizabeth Ibañez, Vice Chair ng Sibuyan-CSO Masikap; Mico John Rivero, Secretary ng Sibuyan-CSO Masikap; at Fabert Reyes, miyembro ng San Fernando Agrarian Reform Community Cooperative.