Sa ginanap na inagurasyon ng isang proyekto ng Department of Science and Technology (DOST) sa Barangay Cobrador, Romblon, Romblon kamakailan ay nagkaroon ng pagkakataon si DOST Secretary Renato Solidum na himukin ang mga mag-aaral sa lugar na pasukin ang karera sa Agham at Teknolohiya sa kanilang paglaki.
Aniya, sa kasalukuyan ay mayroong kakulangan sa mga Siyentipiko at Inhinyero sa bansa para tumulong sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng mga probinsya lalo na sa mga lugar na nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
“Kapag kayo ay lumaki, at nagkaisip na ng mabuti ay maging siyentista kayo. Siguro hindi niyo pa naiisip [sa ngayon] pero dahil dito sa kwento ng proyekto ng [water] desalination, [maisip niyo na] maraming naitutulong kayo sa ating mga kababayan kung kayo ay maging siyentista o maging researcher,” pahayag ng DOST Secretary.
Ibinida rin ng kalihim na ang water desalination project ng DOST na magbibigay ng inuming tubig sa mahigit 1,000 residente ng isla ay bunga ng pag-aaral sa agham at teknolohiya.