Hindi lamang ang pamosong Looc Marine and Fish Sanctuary ang magiging tourist destination sa bayan ng Looc, Romblon kundi magiging kabilang na sa mga dadayuhin ang Buenavista Fish Sanctuary at ang bagong tuklas na Ginpasilan islet sa Barangay Agojo at iba pang natatanging lugar dito.
Ito ang ibinida ni Konsehal Jonathan Gaytano sa ginanap na press conference sa naturang bayan, kung saan naging panauhin kaalinsabay sa okasyon ng Talabukon Festival sina Assistant Secretary Elizabeth Lopez-De Leon, Regional Director Karl Caesar Rimando at Provincial Director Frederick Gumabol ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Gaytano, attraction na rin sa bayang ito ang Ginpasilan islet kung saan ay makikita doon ang ibat-ibang uri ng magagandang tanawin gayundin sa Buenavista Fish Sanctuary na sumasabay narin umano sa ngayon sa pamosong Looc Fish sanctuary.
Sinabi naman ni Mayor Lisette Arboleda na ang bagong tatag na Tourism Road Map ay malaki ang magiging papel sa pag angat ng ekonomiya ng kanilang bayan at makakatulong umano ng malaki sa kabuhayan ng kanilang mamamayan.
Ipinagmalaki rin ni Mayor Arboleda na malaki umano ang itinaas ng kanilang local tourists na pumupunta sa kanilang Fish Sanctuary ngayong taon partikular nitong nakalipas na Semana Santa dahilan na tumaas rin ang income na pumasok sa kaban ng bayan.
Ngunit nilinaw ni Mayor Arboleda na hindi parin umano sapat ito dahil malaki rin ang gastusin nila sa pagsasaayos ng mga kagamitan sa Fish sanctuary at dinagdagan narin umano nila ang honorarium ng mga Bantay Dagat na siyang nagbabantay sa nasabing fish sanctuary.
Inaasahan naman ni Mayor Arboleda na mas lalo pang tataas ang tourists influx sa kanilang bayan sa susunod na mga taon dahil sa inilatag nilang Tourism Road Map na ito sa kanilang bayan.