Ilang insidente ng sunog sa bansa ang naitala ng Bureau of Fire Protection na ang sinisisi sa pagsingaw ng mga tangke ng Liquefied petroleum gas o LPG.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong March 22, kasabay nang Fire Prevention Month, sinabi ni FO3 Camelo Galicia, hepe ng Fire Safety Enforcement Section ng Odiongan Fire Station, na may mga tips na dapat tandaan kung sakaling makaamoy ng singaw ng LPG sa loob ng bahay.
Ayon kay FO3 Galicia, una umanong kailangang gawin kung may naamoy na singaw ay ‘wag magbubukas ng mga appliances o huwag mag switch on ng ilaw dahil posibleng magkaroon ito ng spark na maging dahilan nang pagsabog o sunog.
“Kasi sa switch po, baka-mag trigger siya at mag-spark at magkaroon ng pagsabog,” ayon kay Galicia.
Sunod na dapat gawin ay dahan-dahang buksan ang mga bintana at pinto para lumabas ang singaw.
Pangatlo ay patayin ang regulator ng tangke ng LPG at ilabas ito sa bahay hanggang sa mawala ang amoy.
Pagsisiguro ni FO3 Galicia, hindi sasabog ang mga LPG tanks na may Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) marks dahil ito umano ay siguradong dumaan sa testing at certification ng Department of Trade and Industry.
Payo ni FO3 Galicia, hangga’t maari umano ay nasa labas ang mga tangke ng LPG para masigurado na walang mangyayaring mga ganitong aksidente.
“Mas maganda rin po siguro na ‘yung mga tangke ng ating LPG ay naka-install na sa labas, at ‘yung hose nalang ang gawan ng paraan para maipasok sa bahay,” pahayag ni FO3 Galicia.
Kung sakaling may problema umano sa mga LPG, maaring makipag-ugnayan ang publiko sa kanilang distributor ng LPG o di kaya ay tumawag sa pinakamalapit na Fire Station para mabigyan ng tugon ang problema.
Isa umano ito sa mga paraan para makaiwas ang publiko sa sunog lalo pa ngayong inoobserba ng bansa ang Fire Prevention Month na may temang: “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa”.