Pangunahing bisita sa ginanap na 122nd Foundation at 78th Liberation Anniversaries ng probinsya ng Romblon si Senator Bong Go nitong ika-16 ng Marso sa bayan ng Romblon, Romblon.
Pagdating sa kapitolyo ay agad na tumungo ang senador sa marker ng pagkakatatag ng probinsya at nag-alay ng bulaklak kasama si Romblon Police Provincial Office Col. Jonathan Paguio.
Sinamahan rin ang senador nina Governor Jose Riano, Vice Governor Armando Gutierrez, Congressman Eleandro Madrona at Department of Tourism regional director Dr. Azucena Pallugna.
“Isang malaking karangalan po na makiisa sa pagdiriwang ng inyong 122nd Founding Anniversary at 78th Liberation anniversary ng Romblon. Napakasayang araw na ito sa kasaysayan ng probinsya,” pagbati ng Senador.
Namangha naman ang senador nang siya ay dumaan sa One Town One Product hub ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Magsaysay park dahil sa naka-display ritong naggagandahang mga obra na gawa sa marmol.
“Ang mga talento ng mga kababayan natin dito, ang galing po gumawa ng marble na puwedeng gawing mga chess, at iba pang magagamit natin. Sabi ko, tangkilikin natin ‘ang sariling atin,” pahayag ni Senador Bong Go.
Nagpasalamat naman si Governor Jose Riano sa senador dahil sa pagdalo nito sa pagdiriwang ng probinsya at nagpasalamat rin sa mga dalang proyekto ni Go sa kanyang pagbisita kagaya nang Malasakit Center at ang pagtatayo ng Super Health Center sa limang bayan sa lalawigan.