Pinangunahan ni Senador Imee Marcos ang iba’t-ibang aktibidad kaugnay ng kanyang muling pagbisita sa lungsod at lalawigan.
Una rito ay ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 600 mga kababaihang benepisyaryo nito mula sa Bayan ng Aborlan at Lungsod ng Puerto Princesa na isinagawa sa City Coliseum nitong Marso 19.
Ang bawat benepisyaryo mula sa bayan ng Aborlan (200) at Puerto Princesa (400) ay tumanggap ng tig- Php 5,000.00 na tulong pinansiyal. Umabot sa P3M ang kabuuang halaga nito.
Sa pagdating nito ay sinalubong siya nina Palawan 3rd District Representative Edward S. Hagedorn, Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron at Aborlan Mayor Jaime Ortega.
Sa mensahe ng Senadora, inanunsiyo nito na maliban sa pamamahagi ng AICS ay magbibigay din ito ng P5M para sa mapipiling proyekto ng mga kababaihan sa Bayan ng Aborlan at P5M din para sa mga kababaihan ng Lungsod ng Puerto Princesa. Ang nasabing pondo para dito ay magmumula sa Department of Agriculture.
“Dinala ko dito si DA Asec. Christine Evangelista, dahil gusto kong tumulong sa ating fisherfolks at magbigay ng kabuhayan sa ating mga kababaihan. Sa ngayon, magbibigay tayo ng P5M sa Aborlan at P5M, first phase sa Puerto Princesa,” ang pahayag ni Senador Marcos.
Nangako din ito na bibigyan ng karagdagang P3K fuel subsidy ang mga mangingisda. Aniya ang tulong na ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo.
Sinabi rin nito na ibabalik na ang mga Kadiwa Store at ang pamamahagi ng Nutriban sa mga eskwelahan.
“Kung maalala ninyo, ‘yong mga Kadiwa, naalala pa ba ninyo ‘yong kadiwa store? ‘Yong mga tindahan na walang patong, walang biyahero, murang-mura-at abot-kaya, ibabalik natin ‘yan. At baka naalala pa ng iba diyan, ‘yong ating malalaking tinapay, na binibigay sa eskwelahan, papayag ba kayo doon? Diba may kasama pa yong mga gatas, ibabalik natin ang nutriban,” wika pa ng Senadora.
Matapos ang pamamahagi ng AICS ay nakipagdiyalogo ito sa mga opisyal ng Western Command (WESCOM) kaugnay ng Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Program.
Nakipagpulong din ito sa Young Farmers and Cooperatives kung saan ang ilan sa mga ito ay awardee ng Young Farmers Challenge ng ng Department of Agriculture (DA). Dito ay inalam ng Senadora ang status ng implementasyon ng mga proyektong naibigay sa mga ito.
Kasama nito sa pakikipagpulong sina Congressman Hagedorn, Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates at DA Asec. Christine Evangelista.
Sinundan ito ng isang press conference kung saan pinaunlakan nito ang panayam ng Palawan media bago ito tumungo sa bayan ng Narra.
Ayon naman sa datos na ibinahagi ni DSWD SWAD Team Leader Eric Aborot, nasa 1,666 mga kababaihan sa bayan ng Narra ang benepisyaryo ng AICS kung saan ang bawat isa sa mga ito ay tumanggap ng tig- Php 3,000.00. Si Senadora Marcos din ang nanguna sa pamamahagi nito na isinagawa sa Municipal Covered Gym sa bayan ng Narra bago siya muling bumalik patungong Maynila. (OCJ/PIA-MIMAROPA)