Naniniwala si Senator Christopher “Bong” Go na dapat may managot sa nangyaring oil spill sa karagatang bahagi ng Verde Island Passage sa rehiyon ng Mimaropa.
Ito ang sinabi ni Go nang makapanayam ng mga mamahayag sa Romblon nang ito ay maging bisita sa ginanap na 122nd Foundation at 78th Liberation Anniversaries ng probinsya ng Romblon nitong March 16.
“Dapat po ay managot ang may-ari ng vessel. Hindi pwedeng i-asa mo sa gobyerno lahat ng paglinis ng mga coastal areas na ‘yan. Ilang pamilya po ang magugutom diyan, ‘yung mga umaasa sa huli ng isda, umaasa sa pangkabuhayan ng pangingisda at ilan pong mga kababayan natin ang naapektuhan ang kalusugan,” ayon kay Go.
Ang barkong MT Princess Empress na may kargang 800,000 liters ng industrial oil at lumubog sa dagat na sakop ng Balingawan Point sa Naujan, Oriental Mindoro noong February 28.
Naiulat noon na ang oil tanker na pagmamay-ari ng RDC Reield Marine Services ay walang authority to operate ngunit pinabulaanan rin ng Coast Guard.
May permit man o wala, sinabi ni Go na dapat managot sa responsibilidad na ito ang RDC Reield Marine Services.
Sinabi rin nito na dapat magpatuloy ang mga ginagawang interventions ng gobyerno para sa mga residente ng mga apektadong lugar.
“Para sa akin po, bilisan po ang government intervention, magtulungan po tayo. Nandiyan na po ‘yan, kaya nga po nagtatrabaho ang ating coast guard, nagtatrabaho po ang mga LGUs (local government units),” ayon kay Senator Go.
Base sa datus ng Department of Environment and Natural Resources, may mahigit sa 2,000 na ektarya ng coral reefs, mangroves at seagrass ang posibleng maapektuhan ng oil spill.