Nagpapatuloy ang ginagawang pagbabantay ng mga tauhan ng PNP Maritime Group sa mga dagat na sakop ng probinsya ng Romblon laban sa mga gustong magsagawa ng illegal fishing.
Ito ang ibinahagi sa isang panayam sa Romblon News Network ni PMSg Edgar M Carranceja PNCOIC ng Romblon Maritime Police Station.
Aniya, wala na silang nahuhuli na nagsasagawa ng illegal fishing sa bayan ng Romblon kung meron man umanong mahuli, hindi umano mga taga-Romblon kundi galing sila sa karatig na probinsya.
“Mahalaga po ang presensya ng Maritime kasi kung wala po, mapapasok po tayo rito ng mga iligal na mangingisda galing sa ibang probinsya,” ayon kay Carranceja.
Paliwanag nito, dapat umano ang tubig na sakop ng probinsya ng Romblon ay mga taga-Romblon rin ang dapat unang makikinabang sa mga yamang dagat rito gaya ng isda.
Para masigurong mababantayan ang mga dagat, sinabi ni Carranceja na ang kanilang opisina ay patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para mairehistro ang lahat ng sasakyang pandagat at mabigyan ng clearance ng kanilang opisina.
Inaasahang ngayong taon ay madagdagan pa ang bilang ng mga nakarehistrong bangka sa probinsya sa tulong na rin umano ng mga assistance na binibigay ng gobyerno sa mga mangingisdang rehistrado ang kanilang mga bangka.
Ang PNP Maritime Group ay may opisina sa bayan ng Romblon, Romblon.