Bahagyang bumilis ang inflation rate sa probinsya ng Romblon sa 6.7% noong Pebrero kumpara sa 5.1% ng Enero ng kasalukuyang taon.
Ito ang ibinahagi ng Supervising Statistical Specialist ng Philippine Statistics Authority Romblon na si Engr. Dandy Fetalvero sa ginanap na press conference nitong Lunes, March 13.
Ayon kay Engr. Fetalvero, sa commodity groups na kanilang binantayan lumalabas na nakaapekto sa bilis ng pagtaas ng inflation noong Pebrero ang pagtaas ng inflation mga pagkain at mga non-alcoholic beverage lalo na ang mga karne ng mga poultry products kagaya ng manok. Base sa datus, umakyat sa 25.1% ang inflation rate nito noong Pebrero 2023 kumpara sa 13.67% ng sinundang buwan.
Nakitaan rin ng pagtaas ng inflation rate ang mga damit ng mga babae at lalaki maging ang sapatos ng mga bata. Mula sa 5.5% noong Enero 2023 umakyat ang inflation rate ng clothing and footwear sa 7.6% noong Pebrero.
Ang mga sumusunod na commodity groups ay nakitaan rin ng pagtaas ng inflation: Housing, Water, Electricity, Gas, and Other Fuels; Furnishings, Household Equipment and Routine Household Maintenance; Transportation; Information and Communication; Recreation, Sports and Culture; Restaurants and Accommodation Services; at Personal Care, and Miscellaneous Goods and Services.
Wala namang nakitang paggalaw ng inflation sa Education Services at Financial Services sa probinsya.
Sinabi rin sa ulat ni Engr. Fetalvero na noong Pebrero 2023 ay umabot na sa 125 ang consumer price index sa probinsya habang 80 centavos na ang purchasing power ng piso kumpara noong taong 2018.
Sa buong rehiyon, Romblon ang may pinakamababa na inflation rate kumpara sa 10.7 ng Oriental Mindoro, 10.1 ng Marinduque, at 8.7 ng Palawan at Occidental Mindoro.