May kabuoang apat na cruise ship ang inaasahang dadaan sa probinsya ng Romblon ngayong taon ayon sa Tourism czar ng probinsya na si Vice Governor Armando Gutierrez.
Nang makapanayam ng Philippine Information Agency – Romblon nitong Martes, sinabi ni VG Gutierrez na ang isa sa cruise ship na ito at nakadaan na ay ang Silver Shadow ng Silversea Cruises. Sakay ng barko na ito ang 330 na guest mula sa iba’t ibang bansa.
Sinabi ni Gutierrez na ang tatlo pang cruise ship ay dadaan sa probinsya sa susunod na mga buwan.
Ibibida sa mga bisitang sakay ng cruise ship na ito ang mga nag gagandahang mga tourist spots sa bayan ng Romblon, Romblon at sa isla ng Sibuyan.
Kasabay nito ay ang paglulunsad naman ng Tourism program at ang pagpasa ng Tourism Development Plan na magiging gabay ng pamahalaang panlalawigan.
Sa nasabing development plan ay nakasaad ang target ng pamahalaang panlalawigan pagdating sa sektor ng turismo sa buong probinsya.
Kaugnay nito, pinulong na umano ng tourism czar ang mga tourism officers sa buong lalawigan upang paghandaan ang inaasahang pagdagsa ng mga lokal at mga banyagang turista.
“We have already discussed this and advise the tourism officers to prepare for big influx ng mga tao, both local and international [tourists],” ayon sa bise gobernador.