Target na mas mapausbong ng Department of Tourism (DOT) Mimaropa ang cruise at diving industry sa probinsya ng Romblon ngayong taon sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan at mga tourism officers ng mga munisipyo.
Sa isang panayam ng PIA Romblon nitong March 18 kay DOT Mimaropa regional director Zeny Pallugna, sinabi nito na ang Romblon ay kilala ‘globally’ dahil sa diving at cruise tourism kaya ito ang dalawang sektor na kanilang pagtutuonan ng pansin.
“Nakita ko na ‘yung Romblon is an underated destination. Underwater is also very rich. A lot of underwater photographers come here because of the unique life that you have,” ayon kay RD Pallugna na kasalukuyang nasa Romblon para sa isang mag-scouting ng iba’t ibang tourist spot sa probinsya kasama si Romblon governor Jose Riano.
Ayon kay RD Pallugna, may apatnapu’t isang cruise ships ang nakatakdang dumaong sa rehiyon kung saan 4 rito ay dadaan ng probinsya ng Romblon.
Para mas mapaunlad ang dalawang sektor ito, sinabi ni RD Pallugna na dapat magkaroon ng training para sa community-based tour guiding para magkaroon ng mga tourguide na mag-iikot sa mga turista sa iba’t ibang destinasyon sa Romblon kagaya ng Bonbon Beach at Cresta de Gallo. Dagdag pa rito ang pagkakaroon ng fun map at shore excursion.
Ilan sa mga puwedeng puntahan na diving sites sa lalawigan ay ang The House Reef, Blue Hole, Agnay Fish Sanctuary, Lonos Marine Sanctuary, The Rope, Bonbon Beach, Lunas, Staghorn Corazon, Treasure’s Dream, Magnificat, Mapula, at sa Agpanabat Caves & Canyons Marine Sanctuary.
Masaya naman si RD Pallugna sa naging tugon ng mga lokal na pamahalaan ng probinsya sa plano ng kanilang ahensya.
“I have spoken to the governor that we need to collaborate. One thing good here in the province, the local governments are very supportive to the development of the tourism industry, and that’s the key to grow the industry,” ayon kay RD Pallugna.
Maliban rito, sinabi ni RD Pallugna na ang kanilang ahensya ay tutulong rin sa probinsya para pagandahin ang mga pantalan, kalsada at iba pang infra projects na tutulong sa paglago ng turismo sa lalawigan.
Noong 2022, may 58,462 ang naitalang same day arrival sa probinsya at target itong pataasin ng Department of Tourism at ng Provincial Tourism Office ngayong taon.
Inanyayahan naman ni RD Pallugna ang mga nasa sektor ng turismo lalo na ang mga may-ari ng hotels at iba pang atraksyon na magpa-accredit sa kanilang ahensya.