Inatasan ni Secretary Officer-In-Charge ng Department of Health (DOH) na si Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire ang pamahalaang panlalawigan na ipamahagi ang mga personal protective equipment (PPE) sa mga kawani ng lokal na pamahalaan at mga residente sa bayan ng Pola na naapektuhan ng oil spill na tumagas sa lumubog na Motor Tanker (M/T) Princess Empress noong Pebrero 28.
Nakipagkita si Vergeire kay Gob. Humerlito Dolor, kasama si Pola Mayor Jennifer Cruz at sa mga kinatawan ng Provincial Health Office (PHO) para sa turn-over ng mga PPEs, gayundin ang mga gamot, face mask, nebulizer, oxygen concentrators at iba pa, na nagmula sa mga pamahalaang pagamutan tulad ng Jose Reyes Memorial Center, Las Piñas General Hospital at Satellite Trauma Center, Tondo Medical Center, Valenzuela Medical Center, National Children’s Hospital at ang National Kidney and Transplant Institute.
Bukod sa pamamahagi ay nagpulong din ang magkabilang panig sa iba pang mga pangangailangang medikal, pagpapalawig ng mga lokal na health facility at pagpapalago sa kaalaman ng mga rumeresponde kung paano tutugunan ang mga sakuna at kaligtasan ng mamamayan.
Sinabi ng kalihim na ang insidenteng ito ay nananawagan sa pagkakaisa ng mga ahensiya ng pamahalaan dahil malaki ang epekto nito sa kalikasan at higit sa lahat sa kalusugan ng taongbayan. Ang DOH at iba pang ahensiya (nasyunal at lokal) anya ay nagtulong-tulong nitong mga nakalipas na araw para ipaabot ang mga pangangailang ng mga apektadong mamamayan.
“Sa pamamagitan ng puspusang koordinasyon sa pamahalaang panlalawigan at mga LGUs, sisiguraduhin namin na ang bawat komunidad ay pagkakalooban namin ng malinis at ligtas na inuming tubig at ang lahat ng mga tumutugon sa nangyaring insidente ay nakasuot ng mga tamang proteksiyon sa katawan para maiwasan ang panganib na maaring idulot sa tao,” pagtatapos na mensahe ni Vergeire. (DN/PIA-OrMin/DOH Philippines)