Hindi na mahihirapang maghanap ng taga-ani ang dalawang Agrarian Reform Beneficiary Organizations sa Odiongan at Santa Fe matapos silang makatanggap ng makinang magagamit nila sa pag-ani ng palay nitong March 20.
Ang Tulay ARB Farmers Association at Pandan ATI Farmers and Fisherfolks Association ay nakatanggap ng Rice Reaper Machine mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamamagitan ng pondo ng Agrarian Reform Fund.
Ayon sa DAR Romblon, ang mga opisyal at miyembro ng dalawang organisasyon ang personal na tumanggap ng mga Rice Reaper Machine na ito.
Nagsagawa rin ng actual demonstration ang GRJC Agri-Industrial Inc. para maituro sa mga magsasaka ang tamang paggamit sa nasabing makina.
Kasabay nito ay nagsagawa rin ng Policy Formulation sa pag-operate ng mga Rice Reaper Machine para matulungan ang mga benepisyaryo na makagawa ng policy sa kung paano ipapagamit sa mga miyembro ang natanggap na kagamitan.