Sa pagbubukas ng Agri-Trade Fair 2023 sa bayan ng Odiongan, Romblon ngayong Biyernes, siniguro ni Marvin Rañada ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Mimaropa na magpapatuloy ang gagawing pagtulong ng pamahalaan sa mga magsasaka lalo na sa mga magsasaka ng bayan.
Si Rañada ay ang Officer-In-Charge ng Enforcement and Monitoring Control and Surveillance Operation Center ng BFAR Mimaropa.
Aniya, ang mga magsasaka patuloy na nagiging lakas o kahinaan ng isang bayan tungo sa pag-unlad.
“Sa panahong ito, ang ating bansa ay patungo sa industriyalisasyon. Ang patakaran ng ating lokal na pamahalaan ay isabay naman sa pagsusulong sa mga magsasaka,” aniya.
“Ito ang dahilan kung bakit patuloy na gumagawa ang ating pamahalaan ng mga paraan para mapanatiling maunlad ang ating mga magsasaka. Dinidinig ng pamahalaan ang kailangan ng mga magbubukid na gawan ng hakbang na gawan ng paraan ang sularinin kaugnay sa pagliit ng kita ng mga magbubukid sa liwanag sa laki ng gastos sa produksyon,” dagdag ni Rañada.
Isa umano sa mga tulong para sa mga magsasaka ay ang mga inisyatibo ng Philippine Crop Insurance Corporation na masigurong ma-insure ang lahat ng mga pananim ng mga magsasaka para umano mas dumami at dumalas ang ani ng mga magsasaka.
“Ang isa rin sa importanteng ginagawa ng mga LGu ang pagpapadala ng mga agricultural technician sa mga dulong nayon upang ibahagi ang mga bago at tamang teknolohiya sa pagbubukid o pagsasaka,” aniya.
Ang pagsasaka ang isa sa pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente ng Odiongan maliban pa sa pangingisda.
Naging panauhing pandangal si Rañada sa pagbubukas ng Agri-Trade Fair 2023 sa Odiongan. Dumalo rin sa pagbubukas ng aktibidad si Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic.
Tampok sa Agri-Trade Fair ang iba’t ibang lokal na produkto ng bayan ng Odiongan kagaya ng mga gulay, bulaklak, at iba pang murang agricultural products. Ang Agri-Trade Fair sa Odiongan Children’s Park and Paradise ay magtatagal hanggang April 13.