Nagpahayag ng kanyang pakikiisa sa mga Sibuyanon si Senator Risa Hontiveros nang ito ay dumalaw sa isla ng Sibuyan, Romblon nitong Huwebes upang makipagdayalogo sa mga residente ng isla na patuloy na nagbabarikada kontra sa pagmimina sa lugar.
Sinabi nito na tumungo sila sa Sibuyan upang hanapan ng solusyon ang kinakaharap ng mga residente ng lugar.
“Nandito kami upang makinig sa inyong mga hinaing, matuto sa inyong mga karanasan at makiisa sa inyong pagsisikap na protektahan ang kalikasan na kumakalinga sa ating lahat,” pahayag ng senador.
Sa talumpati ng senador, kayang ibinahagi na nagpasa siya ng resolusyon sa Senado upang imbestigahan ang pagmiminang nagaganap sa Sibuyan.
“Inilalarawan sa Senate Resolution 459 ang mayamang kalikasan ng islang ito, na dito matatagpuan ang isa sa pinakamakapal na forest cover sa mundo. Bukod sa daan-daang species ng mga tanim at hayop, dito matatagpuan ang ilang uri ng mga puno at ibon na natatangi lamang sa Sibuyan,” pahayag ng senador.
“Hiling ng inihain kong Resolusyon na imbestigahan ang pagmimina at mga karahasan na dala ng mga dambuhalang pagmiminang ito,” pahayag pa nito.
Sinabi rin ng Senador na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon ang ginagawa ng mga taga-Sibuyan na pagtitipon-tipon upang labanan ang pagmimina at nagbibigay ng lakas ng loob bilang mambabatas.