Nilinaw sa isang pahayag ng Romblon Police Provincial Office na wala silang kinakatigan sa nangyayaring sigalot sa pagitan ng Altai Philippines Mining Corp. at sa mga nagbabarikada sa Barangay España.
Sa press statement, sinabi ni Col. Jonathan Paguio ng Romblon Police Provincial Office na ang direktiba nila na nakatalagang magbantay sa lugar ay panatilihin alamang ang kapayapaan at katiwasayan rito.
“Gawin ang lahat ng kakayahan sa pamamagitan ng diplomasya na maging mahinahon ang magkabilang panig,” bahagi ng inilabas na statement ni Col. Paguio.
“Ang inyong kapulisan ng Romblon ay walang kinakatigan, kami ay tumutupad lamang sa aming sinumpaang tungkulin na panatilihin ang kapayapaan,” dagdag pa niya.
Sinabi rin nito na kung may ulat na may nagawang paglabag sa karapatang-pantao o pang-aabuso ang mga nakatalagang pulis, ay kanila umano itong tutugunan at paiimbestigahan upang mabigyan ng karampatang aksyon.
Maalalang kinondena ng Bayay Sibuyanon ang pagprotekta di umano ng mga awtoridad sa mining company dahil hindi katanggap-tanggap umano ito lalo’t lingid na maraming paglabag at pang-aabusong ginawa ang kumpanya sa simula pa lamang.
Nito lamang umaga ng Pebrero 3 ay bahagyang nagkaroon ng kaguluhan sa Barangay España matapos sapilitang dumaan sa barikada ang mga truck ng Altai Philippines Mining Company sa tulong ng mga pulis na nagresulta sa dalawang sugatang indibidwal.