Idineklara kahapon sa bayan ng Puerto Galera na ang Oriental Mindoro ay Malaria-Free Province na matapos makumpleto ang mga kailangang rekisitos na nakasaad sa Department Circular No. 2021-0249 at sa mga panuntunan sa pagde-deklara na Malaria-free ang isang lalawigan na dumaan din ito sa masusing pagsusuri at rekomendasyon ng National Malaria Elimination and Control Technical Working Group.
Kasabay ng deklarasyon ay tumanggap din ng plake at tseke na nagkakahalaga ng P1M mula kay DOH Secretary Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire ang Pamahalaang Lalawigan na si Dr. Hubbert Christopher Dolor at Dr. Cielo Angela Ante, Provincial Health Office (PHO) para kay Gob. Humerlito Dolor matapos madeklarang opisyal na Malaria-Free na ang lalawigan.
Sa mensaheng pagbati ni Vergeire, “Aking pinasasalamatan ang buong technical at administrasyon, healthcare workers, mga nag-boluntaryo, at mga naging katuwang ng regional, provincial, municipal at mga nasa lebel ng barangay ang hindi matatawaran ninyong pagsisikap upang masugpo at pagkalat ng malaria sa lalawigan.”
Ang nasabing inisyatibo ng lokal na pamahalaan ay bunga ng pagsisikap ng PHO kaagapay ang mga Municipal Health Office ng bawat bayan at ng City Health Office gayundin ang Provincial Department of Health Office (PDOHO) at lahat ng sektor ng kalusugan sa lalawigan.
Samantala, pinasinayaan din sa nasabing okasyon ni Sec. Vergeire ang bagong Puerto Galera Rural Health Unit sa Barangay Poblacion at tatlong Sea Ambulance. (DN/PIA MIMAROPA)