Hinihikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mahigit dalawang-daang libong Romblomanon na i-avail ang programa nilang Konsulta o ang “Konsultasyong Sulit at Tama” package.
Sa Kapihan sa PIA Romblon nitong Huwebes, sinabi ni Leandro Flores, Chief Social Insurance Officer ng Philhealth sa Romblon, na ang Konsulta program ay bahagi lamang ng mga benepisyo ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Healthcare Act.
“Itong konsulta ay isang bagong programa ng Philhealth na nagsisimula nang ipatupad dito sa atin,” pahayag ni Flores.
Dito ay nakapaloob ang libreng checkup ng Doctor, libreng laboratoryo at mga medisina na niresita kagaya ng mga gamot na: antimicrobial, fluid and electrolytes, anti-asthma, anti-dyslipidemia, anti-hypertensive, anti-thrombotics, and antihistamine.
Ang nasabing programa ng Philhealth ay makakatulong umano para mas madalas na magpa-konsulta sa mga doktor ang mga Pilipino at makatulong sa pag-detect ng maaga sa mga sakit.
Sinabi rin ni Flores na ang mga hindi pa miyembro ng Philhealth ay maari ring maka-avail ng programa kung sila ay magpapa-rehistro sa Philhealth.
Maari nilang bisitahin ang website ng Philhealth para magparehistro, o di kaya ay sa aprubadong Konsulta facility, LGU, at sa opisina ng Philhealth sa Odiongan.
Ngayong unang mga buwan rin ng 2023 ay inaasahang iikot ang Local Health Insurance Office sa ilang barangay sa Romblon para PhilHealth Barangayan kung saan maaring magparehistro ang lahat ng hindi pa miyembro ng state insurance.