Halos P7,000 na halaga ng mga pinutol na kahoy ang nakumpiska ng mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station (MPS) kahapon sa Barangay Marigondon Sur, San Andres.
Ayon kay Major Elvis Galicia, hepe ng San Andres MPS, mga puno ng gemelina at mahogany ang kanilang nakumpiska matapos makatanggap ng sumbong na may mga abandonadong puno sa lugar.
Bahagi ang nasabing anti-illegal logging operation ng pulisya sa inilunsad nilang kampanya kontra sa mga punong iligal na pinuputol sa bayan na nagiging dahilan ng pagbaha kapag may monsoon rains.
Wala namang naabutan ang mga kapulisan sa lugar na posibleng nag mamay-ari ng mga naputol na kahoy.
Ang mga puno ay dinala na sa opisina ng San Andres MPS.
Paalala ni Galicia sa publiko na huwag magpuputol ng kahoy kung walang permiso sa Department of Environment and Natural Resources bilang moral at social responsibility nila sa kalikasan.