Planong magsagawa ang lokal na pamahalaan ng Santa Maria katuwang ang Office of the Provincial Veterinarian (ProVet) ng mass anti-rabies vaccination sa susunod na linggo para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa mga aso at pusa.
Ayon kay Engr. Ramel L. Fabon, OIC-Municipal Agriculturist, mahalaga umano na mabakunahan ang mga aso at pusa para hindi mahawaan ng sakit na posibleng dahilan para mahawa rin ang mga residente na kung hindi maaagapan ay posibleng magresulta sa pagkamatay ng pasenye.
Halimbawa nito ang nangyari sa isang bata na nakagat noong Disyembre at nasawi nitong nakalipas na linggo sa Romblon Provincial Hospital dahil sa sakit.
Sa datus ng Municipal Agriculturist Office (MAO), 3 ang nagpositibo sa rabies virus ngayong taon dagdag sa tatlong positibo rin noong huling bahagi ng nakaraang taon.
Nagsagawa na rin ng vaccination ang MAO sa mga lugar na nagkaroon ng mga asong nagpositibo sa rabies.
Kamakailan, sinabi ni Dr. Paul Miñano, hepe ng ProVet, na 23 na ang naitala nilang asong namatay at positibo sa rabies kung saan 20 rito ay nakumpirma na ng Research Institute for Tropical Medicine.
Ayon sa Doctor, dapat umanong bantayan ang aso kung sakalit nangagat ito at ipag-alam sa Municipal Agriculturists Office kung makitaan ng sintomas ng rabies gaya ng pagiging agresibo, abnormal na pagkain, paglalaway, sensitibo sa mga galaw, at kung mamatay ang aso.
Kung makagat ng o malawayan ng aso na may rabies, agad na magtungo sa pinakamalapit na Animal Bite Center para mabigyan agad ng gamot.