Sisimulan na ang pagpapagawa ng Php14M Regional Office ng Commission on Population and Development (POPCOM) MIMAROPA bilang bahagi ng paglalapit ng serbisyo at programa ng mga ito sa mga mamamayan ng rehiyon.
May lawak na 519.86 sqm ang pagtitirikan ng naturang pasilidad na angkop upang tumanggap ng iba’t-ibang mga kliyente mula sa iba’t-ibang panig ng rehiyon. Ang itatayong POPCOM Regional Office ang kauna-unahang regional building na itatayo sa Regional Government Center
Pebrero 20, isinagawa ang groundbreaking ceremony sa Regional Center, Brgy. Sta. Isabel, Calapan City, Or. Mindoro. Kaalinsabay ito ng selebrasyon ng ika-54 na anibersaryo ng ahensiy na may temang “POPCOM: Katuwang ng Lokal na Pamahalaan sa Pagpapaunlad ng Pamilya at Pamayanan.”
Dinaluhan ang gawain nina POPCOM Executive Director V, USec. Lisa Grace S. Bersales, Ph.D.; POPCOM Deputy Executive Director Lolito Tacardon, POPCOM Mimaropa Regional Director Reynaldo O. Wong, National Economic Development Authority (NEDA) Mimaropa Regional Director Agustin C. Mendoza;
Department of Public Works and Highways (DPWH) Calapan District Engineer Engr. Erwin Umali, Oriental Mindoro Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor; at mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, gayundin ang mga kinatawan ng una at ikalawang distrito ng Oriental Mindoro.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni POPCOM USec Bersales sa lahat ng mga nagtulong-tulong upang maisakatuparan ang napakahalagang gawain na ito; particular sa Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro at Pamahalaang Panlungsod ng Calapan. Dagdag pa ni USec Bersales; mas mailalapit na nila ang kanilang serbisyo sa mga mamamayan ng Mindoro, lalung-lalo na sa mga mamamayan ng Lungsod ng Calapan.
Hinimok naman ni POPCOM MIMAROPA RD Wong ang mga mamamayan ng Mimaropa na suporthan ang kanilang ahensiya lalung-lalo na ang mga inilalapit na mga programa ng mga ito; partikular sa sektor ng mga kabataan; paglaban sa adolescent pregnancy at social protection program for adolescent mothers and their children. Sa katunayan aniya, naglagak ang kanilang ahensiya ng Php500,000.00 sa Pamahalaang Panlungsod ng Calapan. Inaasahan din ni RD Wong na magiging matagumpay ang mga susunod pang gawain sa Calapan hinggil sa oryentasyon sa programang social protection program for adolescent mothers and their children. Ang isasagawang aktibidad ay magsisilbing “pilot program” ng naturang programa; at kung sakali ito ay magiging matagumpay, sunod na lalapatan din ng programa ang iba pang mga LGUs sa rehiyon.
Sinaksihan naman ang naturang gawain ng 17 POPCOM Regional Directors, lokal na mga opisyal, population and development officers at health officers. (JJGS/PIA MIMAROPA)