Sinimulan na ngayong buwan ng Pebrero ang balidasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga potensyal na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4ps sa lalawigan.
Sa bayan ng Romblon, may 1,581 na mga potensyal na mga benepisyaryo ang kailangang mavalidate ng mga tauhan ng DSWD. Ang kasalukuyang proseso ng balidasyon sa mga potensyal na mga benepisyaryo ay masusing isinasagawa upang matukoy kung sila nga ba ay karapat dapat mapabilang sa programa.
Sinabi sa Romblon News Network ni Precious Charisse Dalisay ng DSWD na siyam (9) na barangay na ang navalidate sa bayan ng Romblon sa kasalukuyan.
Ang nasabing balidasyon ay libre at walang hinihinging kaukulang bayad. Dagdag pa nito, ang kasalukuyang proseso ng balidasyon sa bayan ng Romblon ay magtatapos sa March 20.
Sa buong probinsya, inanunsyo ng DSWD na aabot sa 8,902 ang posibleng mapabilang sa listahan ng mga benepisyaryo ng programa. Ang mga natukoy na mahihirap na sambahayang ito ay ang mga may miyembrong may edad 0-18 at/o buntis sa panahon ng enumerasyon noong taong 2019.
Matatandaang noong 2019, naglabas ang DSWD ng Memorandum Circular para itatag ang replacement process ng 4Ps upang mapanatili ang target na 4.4 milyong sambahayang nakarehistro sa kabila ng tuloy-tuloy na graduation at pag-exit ng mga benepisyaryo.