Nagkaloob ng mga cold storage facility ang Department of Agriculture (DA) sa industriya ng sibuyas sa lalawigan, ayon sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA).
Sa panayam ng DA kay Engr. Alrizza Zubiri, opisyal ng OPA, sinabi nitong unang pinondahan ng Kagawaran ang pagtatayo ng dalawang cold storage facility na maaaring maglaman ng 10,000 red bags ng sibuyas bawat isa. Iginawad ang mga ito sa Mindoro Progressive Multipurpose Cooperative (MPMPC) at Lourdes Multipurpose Cooperative. Prayoridad aniya ng nabanggit na dalawang kooperatiba na tulungan ang kanilang mga kasapi na makapag-imbak ng sibuyas upang hindi agad maibenta sa mababang halaga sa panahon ng anihan.
“Meron din sila (DA) ngayong proposed, almost approved, ongoing ang processing of papers, dalawang unit ng (cold storage) na 20,000 red bags ang capacity,” dagdag ni Zubiri. Inaasahang aniyang magagamit ang nabanggit na mas malaking kapasidad na storage sa taong 2024.
Isa pang tulong na ibinibigay ng DA ay sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD). Tumutulong ang AMAD sa marketing ng mga produktong agrikultura ng probinsya. “Nai-link ng AMAD ang isang kooperatiba na nagtatanim ng white onion sa Jollibee Corporation,” ayon pa kay Zubiri. At noong kasagsagan aniya ng paghahanap ng cold storage para sa mga sibuyas ng probinsya, tumulong ang AMAD upang makapaghatid ng produkto sa mga cold storage sa Laguna.
“Pagdating sa interventions ng DA, hindi kami nakakalimutan,” ani Zubiri. Gayunman, kung ibabatay aniya sa laki ng pangangailangan ng Occ Mindoro ay kulang pa rin ang natatanggap nilang suporta. Nauunawaan naman ito ng opisyal at sinabing batid nila ang limitadong pondo ng Kagawaran na kailangang paghati-hatian ng iba’t ibang probinsya. Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Zubiri sa DA dahil patuloy ang inihahatid na tulong sa lalawigan sa ilalim iba’t ibang mga programa lalo na sa mga makinaryang pansaka. (VND/PIA MIMAROPA)