Simula sa ika-1 ng Pebrero ay ipagbabawal na sa bayan ng Looc, Romblon ang paggamit ng mga single-use plastic at total ban naman sa styro.
Ito ay alinsunod sa isang ordinansa na ipinasa ng Sangguniang Bayan noong nakaraang taon.
Ayon kay SB Jonathan Gaytano na may akda sa ordinansa, napapanahon na umano para ipagbawal ang mga single-use plastics at styrofoam sa munisipyo dahil makakatulong ito sa mundo upang mapigilan ang polusyon ng mga plastic.
Paliwanag ni Gaytano sa mga maapektuhan, puwede naman umanong gamitin ng mga mamimili sa palengke ang mga bayong na gawa rin ng mga Loocnon.
Tuloy-tuloy ang ginagawang information drive ng lokal na pamahalaan para mahanda ang mga residente sa pagpapatupad nito sa susunod na buwan.