Pasado na sa Sangguniang Bayan ng Odiongan ang ‘Buy Local’ ordinance na ipinanukala ni SB Quincy Anne Bantang na naglalayong mas bigyan ng prayoridad ang pagtangkilik ng mga produkto ng mga Micro-, Small and Medium-sized Enterprises (MSMEs) na mula Odiongan.
Ayon kay Bantang, napakahalaga umano ito para sa Odiongan para matulungan ang mga MSMEs tuwing may aktibidad ang gobyerno.
Base kasi sa ordinansa, ang mga tokens na ipapamigay ng Municipal Gov’t at iba pang sangay ng gobyerno tuwing may bisita ay dapat mga gawa ng mga MSMEs ng bayan. Nakasaad rin na dapat umanong 80% ng produkto na nakalagay sa Pasalubong Center ay local products.
Ang pag-institutionalize sa nasabing programa ay adbokasiya ng Department of Trade and Industry para makatulong sa ekonomiya ng bawat bayan sa pamamagitan ng pagpapalakas sa micro, small and medium enterprises.