“Simula nitong Disyembre 27 ay kailangan ng iparehistro ang mga postpaid at prepaid subscribers ang kanilang SIM card sa kani-kanilang telcos bilang pagtugon sa Republic Act 11934 o ang SIM Registration Act.”
Ito ang mariing panawagan ni National Telecommunications Commission (NTC) Regional Director Engr. Ronald B. Cabute sa eksklusibong panayam ng PIA-Oriental Mindoro sa kanyang tanggapan.
Ayon kay Cabute, ang bagong batas na ito ay sakop ng Sec. 11 ng RA11934 o mas kilala bilang ‘Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act’ ay batas na ipinasa sa kongreso sa pamamagitan ng House Bill No. 14 at Senate Bill No. 1310 upang masawata ang mga text scam, text spam at iba’t-iba pang uri ng mga panloloko gamit ang SIM na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., noong Oktubre 10 at naging epektibo nito lamang Oktubre 28.
Ang NTC din aniya ang naatasan na gumawa ng panuntunan sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 001-12-2022 kasama ang mga konsernadong ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Trade and Industry (DTI), National Privacy Commission (NPC) gayundin ang Public Telecommunications Entities (PTEs) na Globe, Smart at DITO na siyang nagpanukala ng mga panuntunan sa pagsasagawa ng monitoring at karampatang implementasyon ng nasabing batas.
Kailangan lamang mag log-in sa website o portal ng mga telcos at ibigay ang buong pangalan, araw ng kapanganakan, kasarian, tirahan at pagkakakilanlan na inisyu ng pamahalaan kabilang ng numero nito kaakibat ang larawan ng ID na iprinisinta.
Sakali naman higit pa sa isang SIM mayroon ang isang subscriber ay maaari pa rin itong irehistro sa isang pangalan ng sa gayo’y mawala man ang cellphone ay maaari nitong maibalik ang numerong nakarehistro sa taong nagmamay-ari nito at hindi na kailangan pang bumili ng panibagong SIM card.
Dagdag pa ng direktor, sakali ang nagmamay-ari ng SIM ay menor de edad ay kailangan munang ipangalan ito sa kanilang magulang o guardian. Sakaling sila ay nasa wastong gulang na ay maaari silang pumunta sa tanggapan ng telco upang maipalipat ang impormasyon sa kanilang mga anak.
Layunin din ng nasabing batas na obligasyon ng mga telco na pangalagaan ang mga datos o impormasyon ng kanilang mga kliyente at mayroon itong kaukulang kaparusahan kung mapapatunayan ng ahensiya ng gobyerno na isiniwalat nila ang pagkakakilanlan ng kanilang mga subscriber.
Humigit-kumulang nasa 60 kinatawan sa kongreso ang nag-akda ng House Bill No. 14 kabilang si Cong. Ferdinand Martin Romualdez, Sandro Marcos, Paolo Duterte habang sa senado ay sina Sen. Miguel Zubiri, Grace Poe, Ronald Dela Rosa, Cynthia Villar, Nancy Binay, JB Ejercito, at iba pa na siyang nag-akda ng Senate Bill No. 1310.