Ibinida sa ginanap na Marble Festival ngayong taon ang naggagandahang mga obra na gawa sa ipinagmamalaking produkto ng probinsya ng Romblon, ang marmol.
Mula sa hand-made arts gaya ng mga miniature ng mga hayop at tao, tables, jewelries, maging mukha ni Dr. Jose Rizal ay bida sa Marbles Festival na binuksan ngayong araw sa Romblon Shopping Center.
Dinaluhan ni Governor Jose Riano ang pagbubukas ng festival kung saan pinasalamatan nito ang mga mag-mamarmol ng Romblon sa pagpapanatili ng mga dekalidad na gawa.
Sinabi naman ni Romblon Provincial Tourism Officer Sandy Rodinas na maganda rin itong venue para mas ma promote ang mga marble gawang Romblon.
“The main reason why we are doing this is to promote our local artists, our local carvers, kasi as mentioned by Gov. [Riano] kanina they are not recognized pagdating sa kanilang artwork. Kaya binibigyan namin sila ng chance to show their talent,” pahayag ni Ms. Rodinas.
Ang mga mananalong design ng marmol ay tatanggap ng cash prize mula P8,000 hanggang P20,000.
Ang taunang Marble Festival ay isa sa mga highlights ng pagdiriwang ng taunan ring ipinagdiriwang na Biniray Festival sa bayan ng Romblon, Romblon. Magtatagal ang Marble Festival hanggang sa January 23.