Masayang ibinalita ni Land Transportation Office (LTO) Romblon Chief Jocelyn Rillo, sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon, na umakyat ng mahigit 346% ang bilang ng mga Romblomanon na kumuha ng Driver’s License sa kanilang opisina noong 2022 kumpara noong taong 2021.
Batay sa datus ng LTO-Romblon noong taong 2021, umabot lamang sa 2,461 ang kumuha ng lisensya sa kanilang opisina ngunit umakyat ito sa 7,536 nitong 2022.
Paliwanag ni Rillo, ang ginagawa nilang intensified law enforcement operation at mga information drive ang nakatulong kung bakit dumami ang nagka-interes na kumuha ng driver’s license.
“[Ang naging dahilan kung bakit tumaas ang bilang,] to be honest, dahil sa intensified law enforcement operation. Masakit mangtanggapin pero tayo kasing mga Filipino, kailangan pang mahuli para lang magparehistro. Pero para hindi sila maabala, dumami ‘yung nagpaparehistro,” pahayag ni Rillo.
Iniulat rin ni Rillo na tumaas ng 56.66% ang mga nagpa-renew ng kanilang mga motorsiklo sa kanilang opisina mula sa 8,525 umakyat ito noong 2022 sa 13,355.
Pahayag ni Rillo magpapatuloy parin ngayong taon ang pagbibigay nila ng libreng 15-Hour Theoretical Driving Course sa iba’t ibang bayan sa Romblon para mas mainganyo ang publiko na kumuha ng driver’s license.
“Ang pagkakaroon ng lisensya sa isang driver ay napakahalaga. Kumbaga, kapag pinanganak ka dapat may birth certificate ka, ganun rin po dapat sa isang driver. Hindi po sapat na sasabihin lang natin na ‘magaling na ako, hindi ko na kailangan’ dahil una kailangan nating maging legal,” pagpapaliwanag ni Rillo.
“Kung tayo ay gusto maging driver dapat tayo ay responsableng driver — willing tayong sumunod at willing tayong kumuha ng lisensya,” dagdag pa nito.
Batay sa batas na ipinatutupad ng Land Transportation Office, ang mapapatunayang nagmamaneho nang walang lisensya ay posibleng magmulta ng P3,000.