Iprinesenta sa harap ng Provincial Task Force (PTF) to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) at ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) committee ang 46 na rebel returnees noong Enero 17 sa Tamaraw Hall, Provincial Capitol Complex, Calapan City, Oriental Mindoro. Nagmula ang mga ito sa mga bayan ng Victoria, Pola, Mansalay, Bongabong, at Bulalacao sa naturang probinsya.
Ang naturang gawain ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng iba’t-ibang ahensiya o tinatawag na “convergence effort” ng mga ito upang tuluyan nang mapuksa ang problema sa terorismo hindi lamang ng probinsya ng Oriental Mindoro kundi maging sa buong bansa. Kabilang sa mga ahensiyang dumalo at nanguna sa gawain ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA). Katuwang naman ng mga ito ang mga ahensiyang nakahandang makinig sa mga hinaing ng mga former rebels upang mabigyan ng nararapat at akmang solusyon sa kanilang hinaing; ito ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of Agriculture.
Bilang panimulang mensahe, sinabi ni Oriental Mindoro Police Provincial Office (ORMIN-PPO) Provincial Director PCOL. Samuel S. Delorino na napakahalaga ng gawaing ito, sapagkat aniya simula noong ipatupad ang Executive Order No. 70 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo R. Duterte, lahat ng mga ahensiya ay gumagalaw sa isang layunin at ito ay ang matulungan na magbalik-loob ang mga mamamayan na nalihis ang landas dahil sa maling idelohiya ng pagiging komunista. Hiniling rin nito na sana ay hindi natatapos dito ang pagbabago ng mga mga sumuko nang sa gayon ay manumbalik na ang mga ito ng buo sa lipunan.
Pinuri naman ni 203rd Infantry Brigade Commander at E-CLIP Chairperson BGEN. Jose Augusto V. Villareal, INF (GSC) PA ang mga former rebels na nagdesisyon na iharap muli ang kanilang sarili sa pamahalaan. Aniya, ito ang napakagandang regalo ng mga ito sa sarili nila, nangangahulugan aniya na epektibo ang ipinatutupad nilang programa para sa mga ito, asahan anila na mas pagbubutihin pa nila ang kanilang isinasagawang komunikasyon at ugnayan sa mga ito upang mahikayat na magbalik-loob pa ang iba pang mga kasamahan ng mga ito sa pamahalaan.
“Gumawa kayo ng tamang desisyon, at ang tamang desisyon na iyon ay ang muling magtiwala sa gobyerno,” ito naman ang ibinahagi ni NICA 4B Regional Director Ariel T. Perlado sa harap ng 46 na rebel returnees. Kung dati aniya ay mga pulis lang at kasundaluhan ang humaharap sa kanila upang makipag-dayalogo at ugnayan; ngayon, sa ilalim ng ELCAC ay lahat ng sangay ng pamahalaan ang gumagalaw upang aniya maisiguro na napapakinggan at nailalapat nang maayos ang mga naaayon na programa at proyekto sa kanilang mga lugar.
“Mula sa 63 na sumuko noong 2020, ay tumaas pa ang bilang nito noong 2021 kung saan 202 ang sumuko at 183 noong nakaraang taon; tanda lamang ng epektibong laban ng pamahalaan kontra terorismo sa rehiyon,” ani ni PRO-Mimaropa Regional Director PBGEN. Sidney S. Hernia.
Bilang gobernador ng lalawigan ng Oriental Mindoro at Chairperson ng PTF-ELCAC/E-CLIP, pinayuhan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor ang mga kasundaluhan na bukod sa mga armas nilang dala ay magdala rin ang mga ito ng karunungan. Karunungan at kasanayan na maturuan ang lahat ng mga katutubo sa probinsya na makapagsulat at makapagbasa bago matapos ang 2028.
Dagdag pa ng gobernador, unang napagsasamantalahan ang mga ito dahil sa kakulangan sa kaalaman, partikular sa panahon ng eleksyon kung kaya’t mahalaga na nabibigyan ng sapat na kasanayan at kaalaman ang mga ito. Hinimok din ng gobernador na mahalin ng mga ito ang Republika ng Pilipinas dahil aniya, walang ibang magmamahal dito kundi kapwa niya Pilipino.
Nagpahayag naman ng pasasalamat sa naging kooperasyon ng mga former rebels sa naging gawain na ito si DILG Oriental Mindoro Provincial Director Maria Victoria J. Del Rosario. Matapos ang mga mensaheng ibinahagi ng mga miyembro ng PTF-ELCAC at E-CLIP Committee, isinagawa ang open forum upang talakayin ang mga pangangailangan ng mga rebel returness na maaaring ipagkaloob ng pamahalaan sa hinaharap.
Bukod sa open forum ay iprinesenta rin ang mga nakumpiska at isinauling mga armas ng mga ito; ilan lamang sa mga ito ay ang mga bala ng M16,dalawang (2) shotgun at mga bala nito, dalawang revolver, at dalawang (2) Improvised Explosive Device (IED). (JJGS/PIA MIMAROPA)