Inaalam na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Ferrol ang lawak ng pinsala sa bahura o coral reefs ng bumangga ritong cargo ship noong Sabado, ika-21 ng Enero.
Sa panayam ng PIA Romblon kay Mayor Christian Gervacio, sinabi nito na bagama’t emergency ang dahilan kung bakit napunta ang LCT Silangan Cargo Express 2 sa bahura, kailangan parin nilang magbayad ng damages dahil may umiiral na ordinansa sa kanilang bayan.
“Susukatin namin ‘yung corals na nabasag. Magbabayad sila ng damages kasi may ordinansa po ‘yun. So ang i-implement namin ay ‘yung nasa municipal ordinance,” pahayag ng alkalde.
Kwento ng alkalde, pumunta na umano sa kanyang opisina ang kapitan ng LCT Silangan Cargo Express 2 kasama ang Coast Guard kung saan nakwento ng kapitan ang nangyari sa kanya.
“Nabutas po ‘yung kanilang barko. Hindi naman nila alam na ‘yun pala ay sanctuary at emergency ‘yung kanilang ginawa siyempre marami silang crew. Papunta sana silang Navotas para ipaayos ‘yung barko kaso nga sa gitna ng biyahe ay nabutas dito sa aming Municipal Water, at pinasok sila ng tubig kaya itinabi nila dito,” paliwanag ng alkalde.
“Hindi naman raw nila sinasadya kasi lulubog ‘yung barko nila kung hindi nila ibinangga sa tabi,” dagdag pa ng alkalde.
Inaasang sa susunod na mga araw aalis na ng Ferrol ang LCT Silangan Cargo Express 2 ay babiyahe na patungong Odiongan Port para doon mag-dock habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.