Sinimulan nang ipamahagi ng Department of Agriculture ang ayudang inilaan ng kanilang ahensya para sa mga 4,653 rice farmers sa probinsya ng Romblon.
Bahagi ito ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) ng ahensya.
Ayon sa Agricultural Program Coordinating Officer ng Romblon na si Engr. Analiza Escarilla, nagsimula ang pamamahagi ng P5,000 na ayuda noong January 23 sa tulong ng Universal Storefront Services Corporation o USSC.
Ang RCEF-RFFA ay naglalayon na magbigay ng pansamantalang kaluwagan sa mga kwalipikadong magsasaka sa buong pagpapatupad ng Rice Tariffication Law (RTL) at cash assistance para sa mga rehistrado sa RSBSA na nagtatanim ng dalawang ektarya o mas mababa.
Sa datus ng DA, pinakamaraming magsasaka ng palay ang mabibigyan sa bayan ng Odiongan na umabot sa 1,204. Aabot sa 23,265,000 ang halagang inaalan ng DA para sa pagpapatupad ng programa sa probinsya.
Ang programa ay nasa ikalawang taon na ngayong 2023 ipinatutupad sa Romblon.