Naglaan ng P650,000 ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Philippine Cultural Education Program (PCEP) para sa implementasyon ng Graduate Diploma in Cultural Education o GDCE sa Marinduque State College ngayong taon.
Ang nasabing pondo para sa pag-aaral ng mga guro sa Cultural Education ay mula sa National Endowment Fund for Culture and Arts ng NCCA-PCEP.
Ayon sa pamunuan ng pamantasan sa Marinduque, ikatlong batch na ngayong taon ang mga titser-iskloar na nag-aaral ng GDCE sa probinsya. Ngayong taon, may 33 titser-iskolar ang nakasama sa programa kabilang na rito ang ilang piling iskolar mula sa National Capital Region at Calabarzon.
Ang GDCE ay post-baccalaureate na kurso, 24 yunit at walong kurso sa loob ng dalawang semestre na tanging ang Marinduque State College lamang ang meron sa rehiyon.
Inaasahang sa susunod na taon ay matatapos ng mga titser-iskolar ang kanilang pag-aaral.