Humiling ng karagdagang pondo sa Pamahalaang National ang ilang lokal na pamahalaan upang mas maayos na maipatupad ang Mandanas-Garcia ruling ng Supreme Court sa susunod na taon.
Kabilang sa humihiling nito ang lokal na pamahalaan ng Odiongan na natapyasan ng mahigit P33M ang National Tax Allotment (NTA) para sa susunod na taon.
Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong December 23, ang pagbaba ng NTA para sa 2023 ay dahil sa mababang revenue collections ng bansa noong 2020 dahil sa pandemya.
Batay sa batas, ang 40% na kita ng National Government ay ibinibigay sa lokal na pamahalaan at nakabase sa koleksyon ng pamahalaan sa nakaraang ikatlong taon.
“Because of the Mandanas-Garcia ruling, which is a very good rulling, nag-increase [yung NTA] this year, only for it to go down next year,” pahayag ng alkalde.
Paliwanag nito, may mga bagay na silang napondohan katulad ng pagpapatayo ng mga silid-aralan na bahagi ng devolution ngunit hindi inaasahan ng LGU na mababawasan ang kanilang pondo.
“Expected na kami to take-on doon sa edukasyon [sa full devolution]. Nag pondo kami ng two classrooms para sa susunod na taon sa Mayha National High School para magkaroon sila ng Senior High School. Ibig sabihin, bumaba na nga ang pondo namin, nadagdagan pa ang responsibilidad dahil sa devolution,” pahayag pa ni Mayor Fabic.
“Kasi binigay sa amin ‘yung additional revenue this year diba, tapos biglang ganun pala kalaki ‘yung ibabawas next year,” dagdag pa ng alkalde.
“Sana nga there is proper and adequate support and funding for it [devolution]. We would welcome itong [planong] delay sa devolution at sana po mabigyan rin ng consideration ‘yung sa National Tax Allotment,” hiling ng alkalde.