Prayoridad ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), kabilang na ang mga matatagpuan sa lalawigan na mabigyan ng libreng internet access sa ilalim ng programang ‘Free Wi-Fi for All’.
Ito ang binigyang-diin ng DICT sa ginanap na virtual Multi-Stakeholders Management Summit 2022 kamakailan, kung saan iniulat ng Kagawaran ang kanilang mga nakumpletong proyekto ngayong taon at mga ipagpapatuloy o ipapatupad pa lamang na programa sa 2023.
Ayon kay Engr. Fernando Gatdula, Provincial Officer ng DICT OccMdo, nakikita ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga nasa liblib na pamayanan (GIDA) na mabigyan ng internet connection. Aniya, ito ay upang mabigyan ang mga naninirahan sa mga GIDA ng oportunidad na kapareho ng mga naninirahan sa urban areas.
Sa mga nakalipas na panayam kay Gatdula, ipinaliwanag nito na hindi lamang impormasyon ang makukuha sa internet, maaari din aniyang makahanap dito ng pagkakakitaan o kaya naman ay mahasa ang talento ng mga mamamayan lalo na ang mga freelancers. Dagdag pa ni Gatdula, ang ‘Free Wi-Fi for All’ ay isa lamang sa mga proyekto ng kanilang tanggapan at mas marami pang kapaki-pakinabang na programa ang maibibigay ng DICT sakaling mapagkalooban ang Kagawaran ng sapat na pondo.
Sa kasalukuyan aniya ay may dalawang GIDA sa Occidental Mindoro na patuloy na nakikinabang sa programa. Ang mga ito ay ang Brgy. Naibuan na pamayanan ng mga katutubong Mangyan sa bayan ng San Jose at ang Isla ng Ambil sa bayan ng Looc. “May ilan pa tayong GIDA na nilagyan ng internet connection subalit natapos na ang kanilang kontrata. Umaasa tayo na may sapat na pondong darating upang ma-renew ang kontrata nila at muli silang maka-access sa internet,” saad pa ni Gatdula. (VND/PIA MIMAROPA)