Kung ikaw ay 40 years old na at pataas, maaaring napakinggan mo na sa doktor mo o di kaya sa mga kaibigan at kamag-anak mo na kailangan mo ng palagiang pag e-ehersisyo. Marahil rinding rindi ka na rin sa mga bati ng mga kakilala mo na ang taba-taba mo na, o di kaya lumaki ka daw.
Ano man ang iyong dahilan, hindi maipagkakaila na kailangan ng tao na mag ehersisyo. Kailangan natin magpapawis at higit sa lahat, kailangan natin gumalaw. Dahil unang-una ang tao ay dinesenyo upang gumalaw at ipagtanggol ang kaniyang sarili noong mga unang panahon pa man; yun nga lang sa paglipas ng panahon at sa pagdagdag ng kaalaman ng mga tao at teknolohiya, tila karamihan sa atin ay nawala ang pagpapahalaga sa kalusugan at sarili dahil nga rin naman sa malilinamnam na pagkain na naimbento ng tao at mga libangan na hindi na kinakailangang lumabas ng bahay, i-set up mo lang ang iyong gaming console at maupo at ayan na malilibang ka na ng ilang oras na hindi namamalayan ang masamang epekto ng mahabang pagkakaupo sa maghapon.
Ayon sa inilabas na datos ng World Health Organization (WHO) noong Marso 26, 2020, nangunguna sa global obesity ranking ang island country ng Nauru, isang bansa sa Micronesia. Tinatayang nasa 61% ng adult population sa naturang bansa ang itinuturing na “obese” o mataba. Samantala, ang Vietnam naman ang may pinaka kakaunting bilang ng mga naitalang mataba sa kanilang bansa; tinatayang nasa 2.1% ng adult population sa naturang bansa ang napapailalim sa kategoryang mataba. Ang bansang Pilipinas naman pang 166 sa bilang na mga bansa sa buong mundo na may bilang ng mga matataba na indibidwal’, nasa 6.4% naman ito.
Hindi ibig sabihin na dahil nasa ika-166 na pwesto ang bansang Pilipinas pagdating sa ganitong datos, ay babalewalain na natin ito. Dito dapat mas palakasin ang kampanya ng pamahalaan upang maiwasan ang paglobo ng mga bilang ng mga matatanda at kabataang mataba sa bansa dahil sa maling pagkain o di kaya naman kakulangan sa ehersisyo.
Anu-ano nga ba ang benepisyo ng pag eehersisyo at lubhang napakahalaga nito lalung-lalo na habang tumatanda tayo?
Marami ang pag-aaral na nakapagsasabi na sa pageehersisyo sa loob lamang ng 30 minuto sa isang araw ay gaganda na ang kalidad ng pamumuhay ng isang tao. Unang-una, nakatatanggal ito ng stress, naranasan mo na ba na ikaw ay sobrang stressed sa trabaho? Sa pamamagitan ng pag eehersisyo o kahit paglalakad ng kaonti ay mababawasan nito ang nararamdaman mo na stress. Ito ay dahil nababawasan nito ang tinatawag na cortisol sa katawan, isang stress hormone.
Pangalawa, napapabuti nito ang kalidad ng pagtulog ng isang indibidwal na hirap makatulog sa gabi, pansin mo ba na kapag nakakapagpapawis ka gumagaan ang iyong pakiramdam at mas mabilis at mahimbing ang iyong tulog.
Pangatlo, tumutulong sa pagpapababa ng presyon ng dugo, karamihan sa Pinoy, genetically, ay namana ang kanilang pagiging hypertensive, kung kaya’t inirerekomenda na mag ehersisyo ang mga indbidwal na may ganitong karamdaman upang mapababa ang presyon na dugo ng sa gayon ay mabawasan ang panganib dulot nito.
Pang-apat, ito marahil ang dahilan ng karamihan kung bakit sila na enganyo mag ehersisyo, ito ay upang mabawasan ang timbang. Sino ba naman ang hindi mahuhumaling kapag nakikita nila na unti-unting nababawasan ang tiyan na naka-umbok sa iyong harapan, bukod sa epekto nito sa kalusugan, napapataas din nito ang kumpyansa sa sarili kapag nakikita mo ang mga improvements na iyong natatamo sa pag eehersisyo.
Panglima, itinataguyod nito ang pagiging produktibo ng isang indibidwal, mas nagiging aktibo ang iyong katawan dahil sa mga simpleng ehersisyo, marami kang nagagawa kumpara sa maghapong pagkakaupo mo sa harap ng monitor ng iyong laptop o di kaya selpon. Marami kang enerhiya para gawin ang mga bagay na hindi mo nagagawa dati, at higit sa lahat, nakatutulong ang ehersisyo para maging produktibo ka sa trabaho.
Panghuli, binabawasan nito ang mga panganib ng pagkakaroon ng malulubhang sakit. Hindi man tuluyang mawawala ang pagkakaroon ng sakit kung ito ay hereditary, makokontrol naman ito sa pamamagitan ng palagiang pag eehersisyo. Ilan lamang sa mga sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng tamang ehersisyo ay ang mga problema sa cardiovascular system; gayundin, maiiwasan din ang sobrang pagtaas ng sugar sa katawan na maaaring magdulot ng dyabetis.
Ilan lamang iyan sa mga benepisyo na maaaring makuha ng isang indibiwal na nag-eehersisyo, pero pinapayo pa rin ng mga eksperto na huwag biglain ang sarili pagdating sa mga ganitong aktibidad, lalung-lalo na kung hindi sanay ang katawan. Sabi nga nila, lahat ng sobra ay nakasasama.
Kaya, halina na at magpapawis, galaw-galaw, padyak padyak. Sa pag eehersisyo, iwas ang perwisyo. (JJGS/PIA-MIMAROPA)