Kinumpirma ng Provincial Agriculturist Office (OPA) na plano nitong gumamit na rin ng drone sa mga sakahan sa lalawigan.
Ang drone technology ay isa sa mga kinukunsiderang paraan ng Department of Agriculture Mimaropa para sa modernisasyon ng pagsasaka at matulungan ang mga magbubukid sa Rehiyon na mapadali at mapabilis ang pagtatanim ng palay.
Sa kanilang mga pahayag sa social media, ipinaliwanag ng ahensya na may kapasidad ang Agras T-30, isang uri ng multi-purpose agricultural drone na mag-spray ng 15 litro ng insecticide o fertilizer sa isang ektaryang sakahan loob ng anim na minute. Kaya din nitong isabog ang 30-40 kilong binhi ng palay sa kaparehong sukat sa loob ng 10-15 minuto.
Ayon kay Engr. Alrizza Zubiri, OIC-Provincial Agriculturist, sakaling matanggap na ng lalawigan ang agricultural drone mula sa DA Mimaropa, malaking benepisyo ang ihahatid ng nasabing makabagong teknolohiya. Bukod aniya sa mapapabilis ang gawain sa bukid, inaasahan ding higit na makatipid sa gastusin ang mga magsasaka na gagamit nito. “Sa ngayon, bumabayad ang mga magsasaka sa 20 katao upang makatulong sa pagtatanim. Halimbawang P350 ang bayad kada tao, aabot sa P7,000 kada araw ang ilalabas ng isang magsasaka para matamnan ang kanyang lupa,” ani Zubiri.
Naniniwala ang opisyal, na katulad ng harvester, kakailanganin din ng sapat na panahon upang maunawaan ng publiko ang malaking pakinabang na makukuha ng sektor ng agrikultura sa drone technology.
Samantala, ipinababatid ni Zubiri na patuloy na nagbibigay ng tulong ang kanilang tanggapan sa mga magsasaka. Kabilang na dito ang kanilang pamamahagi ng certified seeds. Makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan at magdala ng request letter. (VND/PIA MIMAROPA)