Sa sunod-sunod na Christmas Parties at gatherings ngayong Holiday Season, nagpaalalang muli ang Department of Health Center for Health Development (DOH CHD) – Mimaropa sa publiko na mag-ingat sa Covid-19.
Ito ang naging pahayag ni Ramonito Martin, Medical Technologist IV ng DOH CHD Mimaropa sa ginanap na virtual presser nitong Miyerkules, December 21.
“Huwag po nating kakalimutan na ang Covid-19 ay hindi nawawala. Maaring siya ay nanahimik sandali ngunit hindi siya nawawala kaya ipagpatuloy parin natin ang pag-iingat,” pahayag ni Martin.
Sinabi ni Martin na ilan sa dapat patuloy na gawin ng publiko ay ang tamang paghuhugas ng kamay pagkatapos makipaghawak kamay at pag-iwas sa mga kulob na lugar kung may gatherings.
Mahalaga rin aniya ang pagiging bakunado at may booster shots.
“Napakahalaga po na kompleto ang bakuna laban sa Covid-19. Kung kayo ay hindi pa nababakunahan, ang ati pong mga vaccination centers ay patuloy na tumatanggap ng mga gustong magpabakuna,” ani ni Martin.
Sa ngayon, aabot na sa 84.47% ng 2,218,347 na target population sa buyong rehiyon ng MImaropa ang fully vaccinated na laban sa virus.