May aabot sa 83 pamilya na benepisyaryo ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program (BP2P) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakatanggap ng kanilang ayuda nitong December 6 sa bayan ng Cajidiocan.
Layunin nitong BP2P na makatulong sa pagbibigay ng pagasa sa mga benepisyaryong nawalan ng trabaho noong panahon ng pandemya na naging dahilan ng kanilang pag-uwi sa probinsya mula sa National Capital Region.
Inilunsad ang BP2P noong panahong mataas ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at poverty incidence. Layunin din nitong tulungan ang mga mahihirap na indibidwal at pamilya na makayanan ang masamang epekto ng pandemya.
Ang pamamahagi ng ayuda ay isinagawa sa tulong ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) ng DSWD.