Nalubog sa baha ang ilang lugar sa bayan ng Magdiwang sa Sibuyan Island, Romblon noong bisperas ng Bagong Taon.
Ayon sa ulat ni Roland Paniagua, hepe ng Magdiwang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, madaling araw nang rumagasa ang malakas na baha dahil sa pag-uulan sa mga Barangay Dulangan, Barangay Tampayan, Barangay Jao-asan, Barangay Agutay, Barangay Ambulong at Barangay Ipil.
Gabi pa lamang umano ng December 30 ay malakas na ang ulan hanggang madaling araw ng December 31.
Dahil dito, 20 ektarya ng farmlands ang nabaha habang 76 na bahay ang nabahaan.
Isang magsasaka naman ang nailigtas matapos tangayin ng baha. Ayon kay Paniagua, binista ng magsasaka ang kanyang mga alagang hayop ngunit hindi na nakabalik dahil sa flashflood.
Nagkaroon rin ng sira sa ilang imprastraktura ng gobyerno gaya ng spillway, kalsada, at water system.
May 17 naman na hayop ang nawala o namatay.