LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Unti-unti nang nagkakaroon ng kalinawan ang matagal na minimithi ng mga Mindoreño na magkaroon ng tulay na magdurugtong mula sa isla ng Mindoro papunta sa Batangas.
Ito ay matapos makipagpulong kamakailan ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor kay San Miguel Corporation (SMC) Chairman Ramon S. Ang kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Under Secretary for Regional Operations Region IV-B Roberto R. Bernardo at DPWH MIMAROPA Regional Director Gerald A. Pacanan.
Sumentro ang naging pag-uusap ng gobernador at ng grupo ni Chairman Ang ang masidhing kagustuhan ng mga mamamayan na magkaroon na ng katuparan ang pangarap na ito ng mga Mindoreño.
Ani ng gobernador sa naging mensahe nito sa kick-off program ng 72nd Founding Anniversary ng Oriental Mindoro; kapag natapos na ang isinasagawang Feasibility Study; uumpisahan na ng SMC ang konstruksyon ng naturang “Super Bridge” at tinatayang tatagal pag gawa ng 2 hanggang 3 taon.
Ilan lamang sa nakikitang adbentahe ng pagkakaroon ng naturang tulay sa isla ng Mindoro ay ang pagkakaroon ng mas murang gasoline dahil hindi na kinakailangang isakay at itawid ang mga ito sa mga barko patungo ng isla; magkakaroon na rin ng mas mabilis na koneksyon sa internet dahil maaari ng padaanin ang mga linya ng fiber optics sa naturang tulay, at ang pinaka mahalaga ay mas magiging mabilis ang trasnportasyon palabas at papasok ng lalawigan.
Dahil dito, mas madaling mapapasok ng mga investors ang probinsya ng Mindoro dahilan upang higit na umunlad ang ekonomiya na siya namang magdadala ng dagdag trabaho sa mga mamamayan dito. Bukod sa pagpapatayo ng tulay, napagpulungan din ng gobernadora at ni Chairman Ang ang mga posibleng proyekto at programa na isasagawa sa lalawigan partikular sa mga sektor ng agrikultura, paghahayupan, power, at employment. (JJGS/PIA-MIMAROPA)