Kasabay ng pagdiriwang sa World Toilet Day, inihayag ni Department of Health Mimaropa Asst. Regional Director Vilma Diez na ang probinsya ng Romblon ang nangunguna sa mga probinsya sa Mimaropa na may mataas na ang porsyento ng mga bahay na may maayos na sanitary facility.
Batay umano sa datus ng Philhealth Services Information System, 98.59% sa mga bahay sa probinsya ng Romblon ang may basic sanitization facility kagaya ng banyo.
Sinusundan ito ng Marinduque na may 92.9% at Oriental Mindoro na may 88.6%.
“Alam niyo po ‘yung walang toilet, iyan ‘yung dahilan kung bakit nagkakaroon ng bulate itong ating mga bata, na nagiging dahilan upang sila ay mawalan ng gana ng pagkain hanggang sa maging malnurish,” pahayag ni Dr. Diez.
Paliwanag pa nito, mahalaga ang kalinisan sa mga bahay lalo na ang pagkakaroon ng mga maayos na palikuran upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga sakit.
Sa ginanap rin na presser ay sinabi naman ni Engr. Nillete Fidel, ng Enviromental and Occupational Health Cluster ng DOH Center for Health Development Mimaropa, na patuloy ang ginagawang kampanya ng DOH at ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon para mabawasan ang nakasanayan noon na ‘open defecation’ dahil sa kawalan ng banyo.
Aniya, patuloy ang kanilang pagsunod sa guidelines sa pagpaptupad ng Philippine Approach to Sustainable Sanitation (PhATSS) gaya ng pakikipagtulungan sa mga local government unit para sa pagpasa na mag-uutos sa maayos na pagpapatupad ng PhATSS.