Ipinagdiwang ngayong Huwebes, November 24, ang National Children’s Month kasabay ang 2022 Regional Children’s Congress sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Inorganisa ang pagtitipon ng Regional Sub-Committee for the Welfare of Children Mimaropa katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, at ang pamahalaang lokal ng probinsya ng Romblon at bayan ng Odiongan.
Dumalo rito ang aabot sa 250 na mga estudyante mula sa iba’t ibang bayan sa Tablas Island, Romblon kasama ang ilang mga guro, mga child development officers, at mga kawani ng Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government, National Youth Commission, Philippine Information Agency, Department of Education, Provincial Social Welfare and Development Office, at Municipal Social Welfare and Development Office ng Odiongan.
Sa mensahe ni Aldin Emil De Leon, mula sa DSWD Mimaropa, sinabi nito na isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinanand Marcos Jr. ay ang masigurong nasa kundisyon ang mga bata sa bawa’t sulok ng Pilipinas.
Aniya, ito ang susi para sa malusog at matalinong bata at siya ring tutulong tungo sa masayang buhay.
Kasabay ng pagdiriwang ay pinarangalan naman ang mga bayan ng Odiongan, San Agustin at Looc ng Seal of Child-Friendly Local Governance ng DSWD at DILG.
Naging basehan rito ang ginagawa ng mga LGU para sa survival, development, protection, participation, at governance ng mga bata. Naging basehan rin ang maayos na pagpapatupad ng mga chield-friendly policies, programs, projects at services ng pamahalaan.
Sa tema naman na “Kalusugan, Kaisipan, at Kapakanan ng Bawat Bata Ating Tutukan” dumaloy ang mga naganap na talakayan na may titulong Karapatan at Responsibilidad ng mga Bata; at Mga Kabataan at kanilang Mental Health. (PJF/PIA Mimaropa)