Simula sa susunod na taon ay may matatanggap na cash gift ang mga Persons with Disabilities (PWD) sa bayan ng Cajidiocan tuwing kanilang kaarawan. Ito ang inihayag ni Cajidiocan Mayor Greggy Ramos nang makauapsa ng PIA Romblon kamakailan.
Aniya, programa ito ng kanyang administrasyon na sinuportahan naman ng Sangguniang Bayan ng Cajidiocan sa pamamagitan nang pagpasa ng isang ordinansa kaugnay rito.
Napaloob na umano ito sa budget para sa taong 2023 kaya tuloy umano ang pamamahagi nito tuwing may PWD na may kaarawan sa kanilang bayan.
Sa ngayon may mahigit na 500 ang rehistradong PWD sa bayan.
Maliban sa cash gift ay inaasahan ring magkakaroon pa ng ibang programa sa bayan para parin sa mga Persons with Disabilities.
“Meron din po akong program ng livelihood po sa kanilang organization at magkakaroon po kami ng Cash for Work po sa mga PWD. Pagtatrabahoan po talaga nila ito kasi gusto po namin na maranasan po ng mga PWD na equal treatment po sila,” pahayag ng alkalde.
Nagpasa na rin sa kanilang bayan ng discrimination ordinance para hindi ma-bully ang mga taong may kapansanan.