Matapos ang mahabang deliberasyon ng National Gawad Kalasag Committee (NGKC) at National Validation and Selection Committee (NVSC) sa mga kalahok para sa ika-22 na Gawad Kalasag Seal and Special Awards for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management at Humanitarian Assistance (CY 2022); apat (4) na Local Government Units (LGUs) mula sa rehiyon ng Mimaropa ang hinirang na ‘Beyond Compliant’ sa mga itinakdang alituntunin at gabay hinggil sa naturang parangal, 22 naman na LGUs mula pa rin sa naturang rehiyon ang hinirang na ‘Fully Compliant’.
Ito ay matapos ilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang opisyal na listahan ng mga Awardees para sa Gawad Kalamidad at sakuna Labanan, Sariling Galing ang Kaligtasan (KALASAG) para sa mga Local Disaster Risk Reduction Management Council/Office (LDRRMC/Os) para ngayong taon.
Ang apat na LGUs na hinirang bilang ‘Beyond Compliant’ ay ang Lalawigan ng Palawan, Lungsod ng Puerto Princesa, Rizal (Palawan), at Sablayan (Occidental Mindoro). Samantala, hinirang na ‘Fully Compliant’ naman ang mga LGU ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Lungsod ng Calapan, mga bayan ng Taytay, Bataraza, San Vicente, Narra, at Roxas mula sa Palawan. Gayundin ang mga bayan ng Pinamalayan, San Teodoro, Gloria, Puerto Galera, Naujan ng Oriental Mindoro at Abra De Ilog, Magsaysay, Mamburao, San Jose para naman sa Occidental Mindoro. Hinirang din na fully compliant ang LGUs ng San Agustin at San Fernando, Romblon; at Sta. Cruz, Buenavista, Torrijos sa Marinduque.
Ang Gawad Kalasag (GK) ay itinatag noong 1998 bilang pagkilala sa mga stakeholders na nagsusulong ng Disaster Risk Reduction and Management, Climate Change Adaptation (DRRM-CCA) at Humanitarian Assistance Programs upang maprotektahan at mapangalagaan ang mga komunidad na naaapektuhan ng mga sakuna at hindi inaasahang mga pangyayari.
Ang GK seal para sa mga LDRRMCO ay nagsisilbing pamantayan at performance assessment mechanism bilang pagtalima ng mga ito sa Section 11 at 12 ng Republic Act No. 10121 kung saan nasasaad ang pagtatatag ng mga Local DRRM Offices gayundin ang paglagak at paggamit ng pondo mula sa Local DRRM Fund (LDRRMF).
Makatatanggap ang mga awardees ng plaque of recognition bilang pagkilala ng pagiging Beyond Compliant: Seal of Excellence at Fully Compliant: Seal of Excellence.
Nakatakdang isagawa ang opisyal na paggawad sa mga parangal sa Disyembre 7, 2022 sa Manila Hotel, Rizal Park, Ermita, Manila. (JJGS/PIA-MIMAROPA)