Isa sa mga prayoridad ng pamahalaan panlalawigan ang kapanan ng mga kabataan sa probinsya ng Romblon. Ito ang laman ng Children’s State Report ngayong taon ni Governor Jose Riano na binasa ni Romblon Provincial Hospital administrator Mark Anthony Reyes sa ginanap na 2022 Regional Children’s Congress at Celebration ng National Children’s Month sa bayan ng Odiongan.
Aniya, tungkulin ng pamahalaan ang “four gifts for children” para makamit ng probinsya ang pagiging child friendly na LGU.
“Ang provincial at municipal government units ng Romblon ay functional ang Local Councils for the Protection of Children at may designated Child Representative na siyang katuwang sa pagplano ng mga programa at serbisyo para sa mga kabataan,” pahayag ng binasang talumpati ni Riano.
Ilan sa mga nagawa ng pamahalaang panglalawigan ngayong taon gamit ang pondo ng Local Development Plan for Children ay ang pagsasagawa ng supplemental feeding program para sa mga batang 5 taon gulang pababa.
Sa pinakahuling datus ng Provincial Nutrition Office noong 2020, mayroong 21,933 na batang edad 5 taong gulang pababa ang kulang sa timbang o may kakulangan ng tamang nutrisyon.
Para masolusyunan ito, hinikayat ng gobernador ang mga munisipyo na may mataas na malnutrition prevalance rate na patuloy na sikaping gumawa ng mga programa at serbisyo para matugunan ang malnutrion problem ng mga bata.
Maliban sa supplementary feeding program ng Pamahalaang Panlalawigan, ang Department of Social Welfare and Development rin ay may parehong programa para naman sa mga edad 3 hanggang 4 taong gulang kung saan may aabot sa 6,658 na bata ang naging benepisyaryo ngayong taon.
“Ibalik natin ‘yung backyard gardening ng bawat pamilya na isa sa mga sources ng pagkain araw-araw. Magtanim tayo ng mga gulay sa ating paligid sapagkat ito ay malaki ang maitutulong sa pagtipid ng ating budget at puwedeng pagkakitaan din,” ayon sa gobernador.
Dagdag pa rito ang pamamahagi ng PWD Social Pension para sa mga bata maging sa mga matatandang may disabilities pambili ng kanilang mga gamot. Sa datus ng Pamahalaang Panlalawigan, may 3,000 na benepisyaryo ang PWD Social Pension sa buong probinsya na may budget para ngayong taon na P18,500,000.
101 namang mga epileptic children sa lalawigan ang binibigyan ng Pamahalaang Panlalawigan ng gamot buwan-buwan para mabawasan kung hindi mawala ang siezures ng mga bata na may sakit.
Para naman sa proteksyon ng mga bata, nakikipagtulungan ang pamahalaang panlalawigan sa Philippine National Police para sa Online Complaint Desk o E-Reklamo program. Nagbigay ang pamahalaan panlalawigan ng computer sets para mas mapabilis ang pag-asikaso sa mga natatanggap na reklamo online.
Nagpapagawa na rin umano ng crises center ang pamahalaang panlalawigan at naglagay ng Children and Women Protection Unit sa Tablas District Hospital sa San Agustin, Romblon.
Kaugnay naman sa development ng mga bata, inihayag ng gobernador na ngayong taon ay may 1,244 na mga kabataan sa probinsya ang nabigyan nila ng education assistance, hiwalay pa sa 4,532 na benepisyaryo naman ng DSWD. Ang programa namang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD ay tumutulong naman para makapag-aral ang 30,944 4Ps children sa buong lalawigan.
“We are aspiring for a Child-Friendly Province at sana magtulungan tayo, upang maging payapa at malinis na lugar ang ating lalawigan para sa mga kabataan. At ito po ay magagawa natin with the support of all government and non-government agencies and of course ng mga officials from barangay to Provincial government at mga mamamayan ng Romblon,” huling pahayag bahagi binasang talumpati.