May aabot na sa 5,484 na Romblomanon ang nakapagtapos sa iba’t ibang programang hatid ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lalawigan ngayong taon.
Sa Kapihan sa PIA Romblon na ginanap sa Melrose Cafe nitong Biyernes, November 11, sinabi ni Engr. Amir Ampao, Director ng TESDA Romblon, na lagpas ito sa target nilang 5,065 lamang na bilang. Aniya, Oktubre palang ay nalagpasan na nila ang kanilang target.
Base sa ulat ni Ampao, 1,849 rito ay nagtapos sa mga institution based courses, 1,194 sa community-based Training, 80 sa enterprise-based training, at 2,361 sa monitored o ‘yung mga kumuha ng mga training para sa makakuha ng driver’s licenses ng LTO.
Aniya, tumaas ang bilang ng mga nakapagtapos sa kurso at training ng TESDA dahil ngayon ay nag-ooffer na ang TESDA ng mas murang Theoretical Driving Course o TDC at Practical Driving Course o PDC.
Sinabi rin nito na on-going parin ang pag-aaral ng ilang mga Romblomanon sa TESDA lalo na ang mga coconut farmers na kumukuha ng agricultural courses.
Inaasahang sa susunod na taon ay posible pang madagdagan ang bilang ng mga makakapagtapos sa mga training ng TESDA at hiling ng ahensya ay madagdagan rin ang kanilang pondo para sa scholarship ng mga skilled Romblomanons.