Bumisita nitong nakalipas na November 17-19 ang mga kandidata ng Miss Earth 2022 sa probinsya ng Romblon para sa Search for Ms. Isla de Romblon at para na rin sa promotion ng turismo ng probinsya sa mga dayuhan.
Sa kanilang pananatili sa probinsya, binista ng mahigit 20 kandidata ng Miss Earth Fire Group ang ang ilang sikat na pasyalan sa bayan ng Romblon gaya ng Bonbon Beach at Cobrador Island.
Nagkaroon rin ng motorcade paikot sa bayan ng Romblon para ipakilala sa madla ang mga kandidata kasama si Miss Earth Singapore Charmaine Maurice Fallaria Ng na isang Filipino-Chinese, at isang Romblomanon, dahil ang kanyang ina ay nagmula sa bayan ng Corcuera, Romblon.
Nauna nang sinabi ni Romblon Mayor Gerard Montojo na malaking bagay ang pagpili ng Miss Earth Organization sa probinsya para ganapan ng isa sa kanilang event dahil makakatulong ito sa turismo ng probinsya.
“Ma-promote ‘yung Romblon lalo na ‘yung tourism namin. Maging ‘yung aming tourist spots and destinations would be known not only in the Philippines but most likely baka worldwide iyon,” pahayag ng alkalde.
Sa isang Facebook Post naman, sinabi ni reigning Miss Earth na si Destiny Wagner na ang probinsya ay puno ng pagmamahal at kultura.
“The province was filled with so much love and culture! Thank you to the governor who hosted us at last nights dinner! We all had a great time! I’m obsessed with the Philippines,” pahayag nito sa Ingles.
Sa huli, itinanghal na Ms. Isla de Romblon si Ms. Earth Cuba Sheyla Perez na nakasungkot irn ng Best in Talent.
Best in Swimwear at Miss Photogenic naman si Ms. Earth Colombia Andrea Aguilera; Silver in Talent si Ms. Earth Panama Valerie Solis; Bronze in Talent si Miss Earth France Alison Carrasco; at Miss Congeniality si Miss Earth Australia Sheridan Mortlock.
Ayon sa Municipal Tourism Office ng Romblon, Romblon, aabot sa mahigit 300 ang dumalo sa ginanap na kompetisyon sa Romblon Public Theatre. (PJF/PIA Mimaropa)