Mariing iginiit ng Department of Health-Mimaropa na mahalagang mapasailalaim sa New Born Screening ang mga bagong panganak na sanggol.
Ayon kay Dr. Matthew Medrano, Medical Officer IV ng DOH-CHD Mimaropa na napakahalaga na makita agad ang mga genetic disorder simula nang maipanganak ang sanggol para mabigyan agad ito ng lunas.
Sinabi niya na ang New Born Screening program ay isang public health program para agad na malaman at matukoy ang mga sakit na maaaring mauwi sa mental retardation at pagkamatay. Ginagawa ito makalipas ang 24 oras na pagkapanganak sa sanggol sa pamamagitan ng pagsuri sa dugo ng bata.
Nagkaroon rin aniya ng pagbabago para mas makapagligtas pa ng mas maraming sanggol kaya nagkaroon ng Expanded Newborn Screening (ENBS) sa pamamagitan ng DOH Administrative Order 2014-0045A at mula sa anim (6) na mga sakit ay itinaas na ito sa dalawampu’t walong sakit na maaaring makita sa pagsusuri.
“Napakahalaga ng ating Expanded Newborn Screening kasi po minsan po yung mga baby na ipinapanganak akala po natin very normal, hindi natin alam na may sakit, kasi minsan huli na lumalabas ang mga sintomas” saad pa ni Dr. Medrano.
Kabilang aniya sa mga sakit na sinusuri sa ENBS ay ang Endocrine Disorter, Hemoglobinopathies, Amino Acid Disorder, Fatty Acid Oxidation Disorder, Organic Acid Disorder, Urea Cycle Defects Disorder at iba pa. Ito kasi aniya ang laganap sa Pilipinas ayon sa pagaaral nguni’t ang mga sakit na ito ay maaari ring matanggal lalo na ang komplikasyon basta malaman ng maaga at magamot sa tamang oras.
Ang ENBS ay nagkakahalaga ng Php 1,750.00 subalit wala aniyang babayaran ang mga magulang ng sanggol dahil sagot naman ito ng Philippine Health Insurance (PhilHealth). Aniya, noong 2021 ay nasa 29,644 na mga sanggol ang naisailalim sa ENBS sa Mimaropa at mayroong nagpositibo sa genetic disorder. Kaugnay nito ay patuloy aniya ang ginagawang kampanya ng DOH katuwang ang mga Municipal Health Officers ng bawat Local Government Unit (LGU) gayundin ang mga barangay health workers para magbigyan ng tamang impormasyon hinggil dito dahil ang susi aniya ay ang pagkakaroon ng tamang impormasyon. (MCE/PIA MIMAROPA)