Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong ika-12 ng Oktubre, sinabi ni Dr. Lino Marcus Viola III ng Provincial Health Office na walang aktibong kaso ng Covid-19 sa probinsya ng Romblon.
Itinuturo nito ang mataas na vaccination coverage sa lalawigan na malaki ang naitulong kung bakit mahaba na ang panahon na walang naitatalang aktibong kaso sa probinsya.
“In regards sa Covid, so far, wala tayong in-patient na naka-admit doon [sa Romblon Provincial Hospital, at walang namatay. Walang cases, walang reported cases ng Covid-19 dito sa atin,” pahayag ng Doctor.
“Tayo kasi ay may pinakamataas na vaccination coverage sa buong rehiyon ng Mimaropa. Sa senior tayo rin ang may pinakamataas. It reflects kung bakit… wala tayong cases kasi nga mataas ‘yung ating vaccination coverage,” dagdag pa ng Doctor.
Batay sa datus kasi ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, September 1 hanggang October 10 ay wala silang naitalang kaso ng Covid-19 sa Romblon. Patuloy rin umano ang kanilang monitoring sa iba’t ibang bayan.
“Kung meron man talagang lumusot na severe na kaso [ng Covid-19], makikitang-makikita ‘yun kasi dadalhin yan sa ospital. Malalaman natin ‘yan kung case na ‘yun,” ayon pa kay Viola.
Dahil sa magandang bunga ng bakuna, sinabi ni Viola na nagpapatuloy parin ang kanilang kampanya para mas marami pa ang mabakunahan laban sa Covid-19 maging ang mga mabibigyan ng mga booster shots.
Nakikipagtulungan umano sila sa Provincial DOH Office at sa mga Rural Health Unit para sa mga promotions at kung paano mahihikayat ang publiko na magpabakuna.
Sa huli, sinabi ni Viola na libre ang mga bakuna at available ito sa mga Rural Heath Center ng bawat bayan.